Ni Jyanne Ronielle B. Viernes

BACARRA, Ilocos Norte – Pormal na kasunduan ang naganap sa pagitan ng Provincial Government of Ilocos Norte (PGIN) at ng Harbor Star Shipping Services Inc. upang magbigay ng serbisyo sa pagpapalalim para sa restoration project ng Bislak River noong ika-22 ng Nobyembre, taong kasalukuyan.

 Sinasaklaw ng nasabing kasunduan ang munisipalidad ng Vintar at Bacarra na tinatayang 26 kilometro ang sakop nito sa bahagi ng ilog na kailangang hukayin at palalimin.

 Ang pangunahing layunin ng inisyatiba na ito ay upang mapagaan sa hinaharap ang panganib ng malakihang pagbaha sa mga rehiyon na matatagpuan sa mas mababang lugar, at upang maibalik ang ekolohikal na balanse ng Bislak River.

Pinangunahan ng Provincial Government of Ilocos Norte (PGIN) ang proyekto kasama ang mga lokal na pamahalaan ng Bacarra at Vintar, kabilang na rin ang Environmental Management Bureau (EMB), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Mines and Geosciences Bureau (MGB), Department of Public Works and Highways (DPWH), at mga pribadong kumpanya na EnergiesPH at Harbor Star na nag-ambag sa pagpapatupad nito.

Nilinaw ng PGIN na hindi gagamitin ang pondo ng publiko para sa proyekto ng Bislak River. Sasagutin ng mga kontratista ng pribadong sektor ang lahat ng gastos kapalit ng pagkuha ng mga materyales mula sa nasabing ilog.

Dagdag pa rito, naganap ang pamamahagi ng baka sa mga punong barangay. Humigit-kumulang na 30 barangay ang nakatanggap ng tulong na nagkakahalaga ng tinatayang PHP 3 milyon mula sa Harbor Star Shipping Services Inc.